Tuesday, June 22, 2010

Ang Alamat

Ang alamat ay kuwento na kathang isip lamang na kinasasangkutan ng kababalaghan o 'di pagkaraniwang pangyayari na naganap nuong unang panahon.

Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o kapaligiran. Eto ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ngpagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa, Nguni't sa banding huli ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.

Sapagkat ang alamat ay karaniwang nagsimula nuong unang panahon at eto ay nagpasalin- salin na sa maraming henerasyon, ang alamat ay pinaniniwalaan ng maraming tao na tutoong naganap dahil sa tagal ng pamamayani nito sa ating panitikan o sa ating kultura.

Ang mga alamat ay nagkakaroon ng iba't-ibang bersiyon ayon na rin sa hangarin ng sumulat o nagpalaganap ng ibang bersiyon ng alamat. Eto ay maaaring sa hangarin na isanobela, isadula o isa-pelikula ang isang alamat.

Halimbawa ang isang bersiyon ng alamat ni Bernardo Carpio ay sinasabing sadyang pinalaganap ng mga Kastila upang mapigilan ang namumuong himaksikan ng mga Pilipino laban sa mga mananakop.

Ibang bersiyon naman ang pinalalaganap ng ibang mga magulang sa hangaring ang kanilang mga anak ay huwag matakot kapag lumilindol sapagkat eto ay likha lamang ni Bernardo tuwing nagtatangkang kumawala sa nag-uumpugang bato.

Bagama't maraming bersiyon ang alamat, ang mga eto ay nagkakaisa sa paglalarawan kay Bernardo na isang matipuno at makisig na lalaki. Ang pagkakaiba ng iba't-ibang bersiyon ay ang pagtalakay kung bakit, papaano, at sino ang naging sanhi ng kanyang pagkaipit sa nag-uumpugang mga bato.

ANG ALAMAT NG PINYA

Nuong unang panahon sa isang malayong nayon ay may naninirahang isang
batang babae. Ang pangalan niya ay Filipina at ang kanyang palayaw ay Pina.
Bata pa si Pina nang maulila kaya siya ay kinupkop ng kanyang tiyahing si Marta.

Si Pina ay mabait, masipag, at mapagtiis samantalang ang kanyang tiyahin ay
tamad, masungit, at pabaya sa buhay. Nang bata pa si Pina ay nagkasakit siya
ngunit hindi siya ipinagamot ni Marta bagay na naging dahilan upang manlabo
ang kanyang mga mata. Napilitan siyang huminto sa pag-aaral dahil hindi na niya
mabasa ang mga aralin sa paaralan. Kuntento na lamang siya na tumulong sa
mga gawaing bahay at makipaglaro sa mga kapwa bata.

Lumipas pa ang maraming araw at mas lumubha ang panlalabo ng kanyang
mga mata. Kadalasan kapag sila ay naglalaro ng taguan ang mga salbaheng
bata ay hindi na nagtatago at sa halip ay nanatiling nakapaligid sa kanya.
Sapagkat bahagya niyang naaaninang ang mga kalaro ang mga salbaheng bata
ay kinukurot siya sa iba't-ibang bahagi ng katawan habang kinukutya ang kanyang
kapansanan. Ang lahat ng mga eto ay kanyang pinagtitiisan.

Isang araw habang siya'y naglalaro sa harapan ng kanilang bahay ay galit na
tinawag siya ni Marta. "Pina, maghugas ka ng mga pinggan at kaldero sa kusina.
Ang tamad- tamad mo!" sigaw si Marta. "Pagkatapos mong maglinis sa kusina ay
maglaba ka."

Agad namang iniwan ni Pina ang paglalaro at nagtungo sa kusina upang
maghugas. Ano ba't dahil sa panlalabo ng kanyang mga mata ay di sinasadyang
natabig niya ang lalagyan ng mga pinggan at baso, at bumagsak ang mga gamit
sa sahig. Nang makita ni Marta na nabasag ang ilang plato at baso ay labis
siyang nagalit. Kinuha niya ang walis tingting at malakas na pinagpapalo si Pina
sa kanyang mga binti.

"Wala kang silbi! Dapat ang ulo mo'y napaliligiran ng mga mata para nakikita mo
ang lahat ng nasa paligid mo!" malakas na sigaw ni Marta habang pinapalo pa rin
si Pina.

"Tiya, patawarin po ninyo ako. Hindi ko po sinasadya," pagmamakaawang
pakiusap ni Pina. Ngunit lalo pang nilakasan ni Marta ang pagpalo sa kanya.

Nang di na matitiis ni Pina ang sakit ng pagpalo sa kanya ay umiiyak siyang
tumakbo sa labas ng bahay patungo sa kalapit na kagubatan. Lumipas ang
maghapon at hindi bumalik si Pina. "Babalik din siya kapag siya ay nagutom, "
sabi ni Marta sa kanyang sarili.

Lumipas ang maghapon, gumabi, at nag-umaga ngunit hindi bumalik si Pina.
Hindi rin nakatiis si Marta at kasama ang ilang bata ay hinanap nila si Pina.
Ngunit siya ay naglaho na parang bula. May mga nag-isip na si Pina ay kinupkop
ng isang diwata sa kagubatan na naawa sa kanyang kalagayan.

Lumipas pa ang maraming araw. Isang umaga ay nagulat na lamang ang lahat
nang may nakita silang halaman na umusbong sa harapan ng bahay ni Marta.
Ang halaman ay nagbunga ng isang prutas na korteng ulo at may mga mata sa
paligid. Bigla nilang naalala si Pina at ang sinabi ni Marta sa kanya: "Dapat ang
ulo mo'y napaliligiran ng mga mata para nakikita mo ang lahat ng nasa paligid
mo."

"Si Pina siya!" biglang nasambit ng isang kapitbahay sa kanyang mga kasama.
Ilang salbaheng bata ang lumapit upang maki-usyoso. Subalit paglapit nila ay
pawang nangatusok sila ng matutulis na tinik sa dulo ng mga dahon ng halaman.
Naalala nila ang ginawang pag-aapi kay Pina. "Si Pina nga siya," anang isang
salbaheng bata.

"Ayaw na ni Pina na nilalapitan natin siya." Sigaw ng isa pang salbaheng bata.
"Ayaw niyang kinukurot natin kaya tayo naman ang tinutusok ng kanyang mga
tinik." "Si Pina nya! Si Pina nya!" magkakasabay na sigaw ng mga bata habang
itinuturo nila si Marta na nasa harapan ng bahay at nakatingin sa kanila.

Mula nuon tuwing makikita ng mga tao ang halaman at ang prutas nitong hugis
ulo na maraming mata ay tinatawag nila etong si Pina nya. Nang lumaon ay
naging Pinya na lamang ang naging tawag nila dito.

ALAMAT NG LANSONES

Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong ginising ang nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata ang babae, kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti.
Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang minsan sa isang buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo sa Kapilya. Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na nananalangin. "Diyos ko," and marahang panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay taimtim ding dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa sinapupunan ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan.

Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang paglalakad ay biglang napahinto si Edna.

"Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman ang gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at hindi maaring kainin ngunit batid din naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa pagkaing hinihiling. Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni Edna at muling sumamong ikuha siya ng mga bunga ng lansones.

"Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga labi. Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit tinigasan niya ang kanyang loob.

Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap. "Huwag na iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at pagdating natin sa bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang manibalang."

Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa kanilang tahanan. Ang maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng pagkain at ayaw tapunan ng tingin ang pinagtatampuhang asawa.

Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman. Hindi malaman ni Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong hinahaplos ang noo ng maysakit.

Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang butil ng luha ang nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na ngayon ang namumurok na pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam, wala na ang ningning ng kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at mistulang larawan ng kamatayan.

Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak.

Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan.

"Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata. Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang bungang iyon ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan.

Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking himala! May nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang panggigilalas noong iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa kaputian. Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang masamyo. Sa tinig na waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo ang bungang iyong hawak."

Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang bungang iyon ay lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap ang babaeng nakaputi. "Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y kumuha ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil.

Mawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang bunga ng lansones. Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi ay nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala ang kanyang mata ay hindi makita. "Salamat po, Diyos ko!" ang nabikas ni Manuel. Biglang sumigla ang katawanni Manuel at hindi magkandatutong pinitas ang lahat ng mga bungang makakaya niyang dalhin at nagdudumaling umuwi sa naghihintay na asawa.

ALAMAT NG SAMPAGUITA

Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa mattanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo'y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.

Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa't mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.

Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila'y tinubuan ng pag-ibig sa isa't isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita -- walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya't kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.

Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila'y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.

"Sabihin ninyo," anya sa mga utusan, " na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka't tunay na isang pagnanakaw."

Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. "Sabihin niyo sa inyong datu," ang wika niya sa mga sugo," na ako'y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno."

Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.

Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.

Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya'y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito'y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa't wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo'y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.

Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya'y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.

Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga'y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila'y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya'y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.

Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo'y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. "Sumpa kita! ...Sumpa kita!" ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa't sila'y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa't maputi, maraming talulot at ang iwing bango'y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa'y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni't ang kanilang pagtataka'y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo'y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad - Si Delfin at si Rosita. Samantala....

Ang kuwento'y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang "Sumpa kita!" na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging "Sampaguita" , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

ALAMAT NG MACOPA

Noong mga unang taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sinasabing tahimik at maligayang namumuhay ang mga tao sa isang nayon sa Kailokohan. Madaling naihasik ng mga Kastila ang Kritiyanismo sa nayong yaon sapagkat ang mga mamamayan at mababait at masunurin. Kilala rin sila sa kasipagan at pagkamadasalin.

Ganyan na lamang ang pagmamahal at pag-iingat ng mga tao roon sa gintong kampana sapagkat nananalig silang sa kampanang yaon nakasalalay ang takbo ng kanilang pamumuhay. Nagsisilbi yaong inspirasyon nila sa buhay. Lalo silang nagsisikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Ang kampanang ginto ay naging sagrado at napakahalaga sa mga mamamayan, naging laging usap-usapan hanggang mabalitaan ng masasamang loob sa isang malayong pook. Nais din nila ang kasaganaan, kaya't hinangad nilang mapasakanila ang kampana. Lihim silang bumalangkas ng kaparaanan. Nalaman nilang sa itaas ng simbahan nakalagay ang kampana. Isang gabing madilim ay nagsipaghanda sila at sandatahang tinungo ang pook ng simbahan. Mangyari na ang mangyari, pilit nilang kukunin ang kampana.

Sa kabutihang-palad, may nakapagbalita naman sa mga pari sa napipintong panloloob sa simbahan. Nalaman nilang ang kampana ay nanakawin kaya't buong ingat nila iton ibinaba at lihim na ibinaon. Ipagsasanggalang nila ito anuman ang kanilang sapitin!

Nang dumating ang masasamang loob ay hindi na nila nakita ang kampanang ginto. Laking galit nila! Dahil sa pagkabigo, pinagpapatay nilang lahat ang nasa simbahan sapagkat ayaw magtapat sa kinaroroonan ng kampana.

Anong lungkot sa taong bayan kinabukasan! Patay lahat ang mga tao sa simbahan - ang mga pari, sakristan at ilang mga tauhan ! Wala ang kampana at walang nakakaalam kung saan ito naroroon.

Inasikaso ng taong bayan ang mga bangkay ng nasawi at inilibing ang mga iyon nang buong dangal.

Mula noon, ang tagingting ng kampana ay hindi na narinig sa nayong naturan. Nalungkot na ang mga tao at nawalan na sila ng sigla at pag-asa. Tinamad na rin sila at natuyo ang kanilang pananim. Umunti na ng umunti ang kanilang ani at mga alagang hayop.

Lumipas ang maraming taon at ang tungkol sa kampana ay nalimot na ng mga tao. Nangamatay na ang matatandang nakakaalam sa kasaysayan ng kampanang ginto at ang mga kabataan nama'y wala nang nalalaman tungkol doon.

Sa loob ng bakuran ng simbahan ay may tumubong isang punong di pa kilala ng mga tao. Ito'y nagbunga ng hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan, ang mga bunga'y sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.

"Parang kopa!" ang sabi ng ilan.

"Maraming kopa!" ang bulalas naman ng marami.

Simula noon, kung tawagin ng mga tao ang pook simbahan ay sinasabing, :Doon sa maraming kopa, doon sa makopa."

Nang matagalan, ang puno ay nakilala na sa tawag na makopa.

ALAMAT NG SAGING

Noong unang panahon, isang magandang babae ang nakakilala ng isang kakaibangengkanto. Masarap mangusap ang lalaki at maraming kuwento. Nabihag ang babae sa engkanto. Ipinagtapat naman ng engkanto na buhat siya sa lupain ng mga pangarap, at hindi sila maaaring magkasama. Gayunman, umibig ang babae sa lalaki. lalaki. Ito ay isang
Isang araw, nagpaalam ang binata. Sinabi niyang iyon na ang huling pagkikita nila. Nang magpaalam ang engkanto, hindi nakatiis ang babae. Ayaw niyang paalisin ang lalaki. Maghigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki para huwag itong makaalis. Pero nawala ang lalaki, at sa matinding pagkabigla ng babae, naiwan sa kanya ang kamay nito. Nahintakutan ang babae. Dali-dali niyang ang kamay sa isang bahagi ng bakuran.
Kinaumagahan, dinalaw niya ang pook na pinagbaunan ng kamay. Napansin niyang isang halaman ang tumutubo. Makaraan ang ilang buwan, tumaas ang puno na may malalapad na dahon. Nagkabunga rin ito na may bulaklak na itsurang daliri ng mga kamay. Ito ang tinatawag na saging ngayon.

ALAMAT NG SAGING

Noong unang panahon, isang magandang babae ang nakakilala ng isang kakaibangengkanto. Masarap mangusap ang lalaki at maraming kuwento. Nabihag ang babae sa engkanto. Ipinagtapat naman ng engkanto na buhat siya sa lupain ng mga pangarap, at hindi sila maaaring magkasama. Gayunman, umibig ang babae sa lalaki. lalaki. Ito ay isang
Isang araw, nagpaalam ang binata. Sinabi niyang iyon na ang huling pagkikita nila. Nang magpaalam ang engkanto, hindi nakatiis ang babae. Ayaw niyang paalisin ang lalaki. Maghigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki para huwag itong makaalis. Pero nawala ang lalaki, at sa matinding pagkabigla ng babae, naiwan sa kanya ang kamay nito. Nahintakutan ang babae. Dali-dali niyang ang kamay sa isang bahagi ng bakuran.
Kinaumagahan, dinalaw niya ang pook na pinagbaunan ng kamay. Napansin niyang isang halaman ang tumutubo. Makaraan ang ilang buwan, tumaas ang puno na may malalapad na dahon. Nagkabunga rin ito na may bulaklak na itsurang daliri ng mga kamay. Ito ang tinatawag na saging ngayon.