Ang alamat ay kuwento na kathang isip lamang na kinasasangkutan ng kababalaghan o 'di pagkaraniwang pangyayari na naganap nuong unang panahon.
Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o kapaligiran. Eto ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ngpagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa, Nguni't sa banding huli ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.
Sapagkat ang alamat ay karaniwang nagsimula nuong unang panahon at eto ay nagpasalin- salin na sa maraming henerasyon, ang alamat ay pinaniniwalaan ng maraming tao na tutoong naganap dahil sa tagal ng pamamayani nito sa ating panitikan o sa ating kultura.
Ang mga alamat ay nagkakaroon ng iba't-ibang bersiyon ayon na rin sa hangarin ng sumulat o nagpalaganap ng ibang bersiyon ng alamat. Eto ay maaaring sa hangarin na isanobela, isadula o isa-pelikula ang isang alamat.
Halimbawa ang isang bersiyon ng alamat ni Bernardo Carpio ay sinasabing sadyang pinalaganap ng mga Kastila upang mapigilan ang namumuong himaksikan ng mga Pilipino laban sa mga mananakop.
Ibang bersiyon naman ang pinalalaganap ng ibang mga magulang sa hangaring ang kanilang mga anak ay huwag matakot kapag lumilindol sapagkat eto ay likha lamang ni Bernardo tuwing nagtatangkang kumawala sa nag-uumpugang bato.
Bagama't maraming bersiyon ang alamat, ang mga eto ay nagkakaisa sa paglalarawan kay Bernardo na isang matipuno at makisig na lalaki. Ang pagkakaiba ng iba't-ibang bersiyon ay ang pagtalakay kung bakit, papaano, at sino ang naging sanhi ng kanyang pagkaipit sa nag-uumpugang mga bato.
No comments:
Post a Comment